Sa Likod Ng Balintataw

Spread the love

KUMUKURAP-KURAP ang nakapikit niyang mga mata. Butil-butil ang kanyang mga pawis. Kumikibot-kibot ang kanyang mga labi at mga kalamnan.

Diretsong-diretso ang kanyang torso sa pagkakahiga. Ramdam na ramdam niya, may pumipigil sa kanyang buong katawan para hindi makagalaw. 

Sa likod ng kanyang balintataw, naroroon siya sa isang masukal, madilim, mapanganib,  misteryosong kagubatan. Hapung-hapo, tumatakbo siyang walang humpay. 

Halos di sumasayad ang kanyang mga paa sa lupa. Walang lingon likod sa pagtakbo, kailangan niyang makalayo. Kailangang di siya maabutan ng kakila-kilabot na nilalang!

“Kah! Kah! Kah! Haah! Haah! Haah!” Abut abot ang kanyang hingal. 

Nangangaligkig  ang kanyang mga laman sa napakalaking takot.

May pitong ulo, sampung sungay. 

Sa mga sungay may sampung taluktok. Sa ulo nakatatak ang kakila-kilabot na… sumpa!

Hindi mawari kung ang halimaw ay isang leopard, dahil ang mga paa nito’y gaya sa isang oso, at ang kanilang mga bibig ay tulad sa isang kakila-kilabot na leon.

“Hah! Hah! Hah! Hindi n’yo ko maaabutan! Hindi n’yo ko maaabutan!”

Walang tigil pang pagtakbo. Ngunit hindi niya tantiyado ang hangganan. Hanggang humantong siya sa isang…

“Eyaaaaaaaaaaah!”

“Splash!”

“Glug! Glug! Glug!”

Ang kaunting natatanaw na liwanag ay tuluyan nang nilalamon ng walang hanggang kadiliman!

“Glug… Glug…Glug…”

“Uuuungh…”

“Huh! Daniel? Daniel!”  

Dumapo sa kanyang mga pisngi ang malalakas na tampal. 

“Binabangungot ka! Daniel! Daniel!” 

Tila hinugot mula sa kailaliman. Nagmulat ng kanyang mga mata si Daniel. Nakita niya ang tiyuhin sa kanyang harapan, larawan nang labis na pag-aalala sa kanya.

Wala siya sa tubigan, wala ang…

“Halimaw!”

Putlang-putla ang binata. Bakas sa mukha ang matinding takot. Ang mga mata’y may pilit hinahanap sa kapaligiran. 

“Halimaw?” Ulit ni Mando.

Napapakamot ng ulong sinundan ng tingin ang mga mata ng pamangkin.

“Hahaha! Walang halimaw! Nananaginip ka lang, binabangungot ka! Iyan nga bang sinasabi ko sa iyo, ‘wag kang magpapakabusog sa gabi bago ka matulog… ang lakas mo kasing kumain!”

Umalis sa higaan si Daniel, umupo sa gilid ng kama. Hinaplos-haplos ang kanyang ulo, parang totoong-totoo.

Natatawang naguguluhan si Mando. Maliit pa si Daniel, dalawin na ito ng mga panaginip. Kakatwang panaginip. Di niya ito kailangang palakihin. Dahil nakadarama rin siya ng di karaniwang takot sa pagiging kakaiba ni Daniel.

Nakita ni Mando sa bahagyang bukas na bintana ang pagsilip ng liwanag.

“Mag-uumaga na. Mabuti pang tumayo ka na diyan. Ihanda mong sarili mo, unang araw ng pasok mo sa trabaho ngayon. Magpapakulo lang ako ng tubig para makapag-almusal tayo.”

Tinungo ni Daniel ang paminggalan,lumagok ng tubig. Nakakaramdam pa siya ng panghihina sa palaisipang panaginip.

“Mang Mando, siya bang sinasabi mong ipapasok mo?” 

Mula ulo hanggang paang sinusuri ng 45-anyos na sekretarya si Daniel. Saka kunot ang noo habang binabasa ang biodata na iniabot ni Mando.

“Hmm… Daniel Biglang-awa, 25 years old, high school graduate…” 

Inagaw agad ni Mando ang atensyon ni Daisy. Ipinagmamalaki niya ang pamangkin.

“Gwapo ba? Kamukha ko ba? Kitang-kita naman, lahi kami ng mga artistahin, di ba?  Ala Daniel Padilla siya, ako naman si Robin Padilla!”

Pumorma pang gaya sa action star si Mando. Nilawayan ang kanyang isang daliri saka ipinahid sa makapal niyang kilay. Hinagod ang kanyang may puti ng mga buhok sabay kindat at pa-cute sa sekretarya.

“Hahaha! Mang Mando, ikaw na talaga! Oo nga may pagkakahawig si Daniel sa mukha,  katawan, taas at tindig ng artista. Maliban sa…hmm…”

“Negro! Aba! Kung nalalaman mo lang noong maliit pa iyan, mestiso iyang pamangkin ko. Nasunog nga lang dahil laging sa bilad sa bukid at pagpapasungay sa pueblo!”

“A-Ano’ng pagpapasungay, Mang Mando?” 

“Pagpapasabong ng mga toro! Iyan ang trabaho niya roon bago ko dinala rito sa Menila. Pinatigil ko na nga’t peligroso. Kesa siya pang masuwag, samahan nalang niya ako rito sa Menila!”

Ibinaba ni Daisy ang biodata ni Daniel, inilagay sa nakasalansang files. 

“Hmm… alam ko namang basta rekomendado mo, approved kay mayor. Malakas ka yata sa kanya…”

Magyayabang pa sana si Mando nang iluwa mula sa pintuan ang isang may katamtamang taas, moreno, nakasalaming lalaki na sa kabila ng 47-anyos na idad, kitang pagiging  gwapo nito.

“O, ano’ng mga kaganapan dito?” Sa mababang tinig.

Biglang tayo ni Daniel sa kinauupuan, yumuko bilang pagbibigay-galang.  Palagay niya ito na ang sinasabi ng kanyang tiyuhin na kanyang magiging amo ring si Yorme. Excited namang bumati si Mando.

“Gud morning, meyor!”

“ ‘Morning, Mang Mando!”

Saka napansin nito ang isang tila mahiyaing lalaki sa tabi ng tauhang janitor.

 “Siya ba?” 

“Opo! Opo! Si Daniel, anak ng namatay kong kapatid, Meyor!”

Tiningnan ni Mayor Kiko si Daniel mula ulo hanggang paa. Aprubado sa kanya ang promding binata.

Saka binigyan ng instruksyon ang sekretaraya,  “Sige. Daisy ikaw nang bahala sa kanya. Sabihin mong mga dapat niyang gawin dito.”

Pumasok sa kanyang opisina ang alkalde kasunod ang ilan niyang mga tauhan. 

Kinabukasan… 

“Sakto ang dating mo, paalis na si Mayor.  May pupuntahan kayo,” salubong sa kanya ni Daisy. Iniabot nito sa kanya ang isang asul na uniporme.

Dali-daling pinalitan ni Daniel ang kanyang lumang damit. Lumutang sa suot ang kanyang kakisigan. Hindi na mahahalatang isa itong probinsyano. Nang lumabas ang alkalde, sumunod agad si Daniel. 

Sumakay sila sa tinted van kasama ang tatlo pang bodyguards. Umupo sa gitna ang alkalde katabi ang isang alalay. Nasa hulihang upuan si Daniel katapat niya ang isa pang bodyguard. 

Tahimik lang si Daniel. Suot ang kanyang lumang shades, nasisiyahan siya sa mga tanawing kanilang dinadaanan. Ito ang unang pagkakataon niyang makababa ng Maynila. 

Hindi naman siya sa bundok nagmula, maunlad na rin ang bayang pinanggalingan. Hindi rin siya bagito sa pagiging alalay, kasa-kasama siya sa pag-e- escort sa isang haciendero na nagmamay-ari ng mga toro roon.

Iba ang mga ngiti ni Daniel. Sinusundan ng tingin nito ang grupo ng mga kabataang tumawid sa kanilang harapan. Mahaharot ang mga kabataan. Kipot na kipot ang mga blusa at pinaiksi pang short.

Pero ang kanyang saya ay biglang napawi!

Matalim at pailalim ang tingin sa kanya ni Max. Parang lalamunin siya ng buhay! Walang bait na makikita sa pangahang mukha nito. Mas maliit sa kanya pero batu-bato ang katawan, animo’y kargado ng steroids.

Isa itong awol na militar, ayon sa kanyang tiyo. Rekomendado ng dating kaalyadong pulitiko ni Mayor. Hindi nagpahalata si Daniel na asiwa siya kay Max. Bilang respeto dahil mas may idad sa kanya ito. 

Naroon na sila sa eksklusibong village sa Makati. Pumasok ang kanilang sasakyan sa isang malamansyong tirahan. Sa kaliwa, may outpost na kargado ng mga grupo. Sinalubong sila ng isang  nakaunipormeng  lalaki.

“Mayor, sumama kayo sa akin!”

Susunod sana si Daniel, pero bumagsak sa kanyang kanang balikat ang mabigat na kamay ni Max. Napaigik ang binata sa sadyang pananakit ni Max. 

“Saan ka pupunta, totoy? Dito ka lang, uhugin ka pa!”

Di nagustuhan ni Daniel ang maaskad na pakikitungo sa kanya ni Max. Lantarang panunupil iyon sa kanya. Pero minabuti niyang sumunod para walang gulo. Ramdam niya, mabigat ang dugo sa kanya ng kasamahan. 

Kunwang tinitingnan niya ang mga babasahin sa mamahaling center table, nang bigla siyang mapatayo…

“Malaking utang na loob mo sa akin! Kung di sa akin, wala ka sa puwesto mo ngayon!”

Gustong puntahan ni Daniel ang alkalde pero muli siyang pinigilan ni Max.

“Tingin mo may magagawa ‘yang liit ng utak mo run? Isa kang promding pulpol!”

Bumalik sa kinauupuan si Daniel pero nagngangalit ang kanyang kalooban. Isa nga siyang probinsyano pero marunong siyang rumespeto sa kapwa tao.  Muli, isang pasigaw na tinig ang kanyang narinig.

“Ibigay mong lahat nang gusto ko kung ayaw mong magkaproblema tayo, Kiko!”

Napapakislot siya sa kinauupuan pero may babala sa mga mata ni Max. Hindi niya naririnig kung sumasagot ang alkalde pero alam niyang pilit itong nagpapakumbaba.

Ilang sandali pa…

Matamlay ang mukha ng mayor nang lumabas sa silid. Hindi ito nagsalita sa loob ng sasakyan, malalim ang iniisip.  Ramdam ni Daniel, may mabigat na dinadala ang alkalde!  

Kinabukasan sa tapat ng city hall…

“Mga kababayan, huwag nating hayaan ang ating siyudad ay maging gaya ng Sodoma at Gomora, puno ng kalaswaan at kabuktutan! Kaliwa’t kanan ang prostitusyon, pagnanakaw, kaguluhan, patayan!”

“Parang kendi ang droga, mabibili kung saan! Laganap ang sugal,inuman! Nawawasak ang pamilya, nalulugmok sa bisyo ang mga anak. Ang buhay ng mga kabataan nauuwi sa kapighatian!”

“Ang lungsod ay nasa peligro, kaya’t kumilos tayo!”

Dala nila ay mga placard. Karamihan ay mga ina at ama ng tahanan. Gamit ang megaphone, isinisigaw nila ang kanilang mga hinaing. Nakadungaw ang mga tauhan sa city hall, kabilang sina Mando at Daisy. Ang mga tao sa labas, parami ng parami.

Isang sasakyan ang dumating, pinagkaguluhan ito ng mga tao.

“Si Meyor! Nandiyan si Meyor!”

Naunang lumabas sa van ang mga bodyguard ng mayor kabilang si Daniel.  Sinalubong agad ng mga tao ang nagugulumihanang alkalde.

 “Ano pong nangyayari, mga kababayan ko? Bakit may protesta? Ano’ng problema?”

“Mariin naming kinokondena ang pagtatayo ng mga kabaret sa mga barangay namin, Meyor. Pati ang bagong tayong casino. Nalululong sa sugal ang mga anak at asawa namin, wala na silang naiuuwing sweldo!”

” Ang mga kabataang babae nauuwi sa prostitution den, sinasamantala nilang kahirapan namin!”

“Lantaran ang bentahan ng droga sa mga eskinita, Meyor. Pati nga sa tapat ng bahay namin ang abutan, nagpo-pot session sa harap ng mga bata! Kaya ang mga addict, nanghoholdap, gumagawa ng krimen!”

Gulat na gulat ang mayor. “Ganyan na ba kalala ang mga lugar n’yo? Sino’ng nagpapatakbo nga mga bisyong ito? Sino’ng source ng droga? Makipagtulungan kayo sa amin, para mapanagot pati mga protektor nito!”

“Hindi lang po iyon Meyor…”

Isang ina ang umiiyak na lumapit sa alkalde.

“Nawala pong anak kong dalaga ng isang linggo, nang bumalik wala na siya sa sariling katinuan! Huhuhu!”

“Pinagdroga ang anak niya, Meyor. Isang manliligaw na pulis ang nakitang huling kasama ng anak niya.”

“Totoo bang lahat ito? At tungkol sa anak n’yo, bakit di n’yo agad ipinaalam sa pulisya? Kilala n’yo ba ang pulis? Kailangan siyang mahuli!”

“H-Hindi po, Meyor…nabanggit lang sa amin ng anak namin na may nagkakagusto sa kanyang pulis noong nasa katinuan pa siya. Iyong nagsabing nakakita, ayaw na pong magsalita!”

“Hindi maaari ito! Mga kababayan ko, ngayong alam ko nang mga hinaing n’yo nakikiusap ako umuwi na kayo. Gagawan po natin ng aksyon ito. Ipapasara natin ang front ng prostitutions, huhulihin ang source ng droga!”

Nagbubulungan ang mga tao saka ibinaba ang kanilang mga placard.

“Ikaw, nanay sumama ka sa akin sa opisina ko ipatatawag kong mag-iimbestiga sa kaso ng anak mo.”

 Inunang inasikaso ang tungkol sa anak ng ginang hanggang sa umuwi na ito. Naiwan sa tanggapan ng alkalde sina S/Insp. Rivas at  ang OIC ng kapulisan.

“Ano’ng nangyari sa Casino Royale na iyan? Bakit sabi nilang may cabaret sa loob? Ano, putahan? At ang mga club na may mga nagsasayaw ng hubad, pinasara kong lahat, ah!”

Ang Casino Royale na tinutukoy ay pasilidad ng iba’t ibang uri ng sugalan. Bukod sa live entertainment, at restaurants, may pinapatakto rin itong club na hindi alam ng alkalde.

“Ayokong mabahiran ang napasimulan ko nang pagbabago sa lungsod na ito. Alam ng lahat iyan. Kasama ko kayo sa peace and order at sa pagresolba sa mga krimen dito… paano’ng nangyari na malusutan pa ako?”

Hindi makatingin nang diretso si Supt. Mariano,  kabado ito. Kailan lang pinatalsik ni Mayor Kiko ang dating hepe at mga alipores nito sa pagbibigay-proteksyon sa mga illegal na bisyo sa siyudad. 

“Gagawa po ako ng special task force na siyang tutukoy sa mga nasa likod ng droga at bisyong ito, Mayor. Pangungunahan ni S/Insp. Rivas pati ang case ng kidnapping.”

Si S/Insp. Rivas ang chief investigator sa lungsod, hindi siya kasama sa mga sinibak. Samantalang bago lang si Supt. Mariano, na hinugot mula sa distrito ng kapulisan.

Pinaiwan ng mayor ang imbestigador, minanduhang mabuti.

“Kahabag-habag ang biktima ng rape at pagpapadroga. Gusto kong malaman mo sinong pulis ang gumawa nito. Kung pulis dito, mas lalong dapat mahuli iyon. Ayokong may anay pala na sumisira sa pamamahay ko!”

“Opo, Mayor. Ipatatawag ko ulit ang pamilya ng biktima. Para matukoy ang gumawa niyon!”

“Gawin mo, at huwag puro salita lang! Ang tagal mo na sa pwesto, marami ka pang di nareresolbang kaso! Pati ang droga, tuntunin mo kung sinong source dito! Pinagkakatiwalaan kita, Rivas!”

Di makakibo ang chief investigator. Pinagpapawisan ito nang malapot.  Wala namang ibang tao sa silid maliban kay Daniel na nagdala sa kanila ng inumin. Masamang tingin nito kay Daniel, dahil narinig ng binata ang lahat.

“Sige, bumalik ka na sa trabaho mo!”

Nakita nitong nangungusap ang mga mata sa kanya ni Daniel. “Iwan mo muna ako, kailangan kong magpahinga.”

Alas 8 ng umaga, isang nakabibinging ingay ang gumulat sa mga tao sa munisipyo. Bumaba ang mga empleyadong maagang pumasok. At nakita nila ang isang kahindik-hindik na aksidente!

“Eeeeeeeeee! Tumawag kayo ng ambulansya! Anak ni Konsi Sanchez ito si Rupert! Binangga niya ang pader!”

“Buhay pa ba? Buhay pa!”

Nasalubong pa nina Mando at Daniel ang ambulansyang kinalululanan ng biktima. At nakita nila ang wasak na unahan ng motor sa parking lot sa tapat ng munisipyo. Habag na habag ang magtiyuhin sa SK chairman.

“Ano ba talagang nangyari?” Usisa ni Mando. 

Habang nakikipag-usap ang tiyuhin sa mga tao, kung ano’ng kuryosidad ang nagtulak kay Daniel para siyasatin ang pinsala ng sasakyan. Palaisipan ang sadyang pagbangga ng motorsiklo sa pader.

“Imposible na nga siyang mabuhay sa lakas ng tama nito!”

Nang may mapansin siya sa ilalim ng nakaparadang kotse malapit sa motorskilo. Nilapitan at dinampot ito, isang maliit na brown coin envelope. Bubuksan sana niya ang sobre para alamin ang nasa loob nang…

“Nasaan ang SK chairman!” Isang malakas na boses na humawi sa lahat.

Si S/Insp. Rivas, kasama pang imbestigador sa traffic division. Mabilis na isinuksok ni Daniel sa kanyang bulsa ang sobre. At sinusundan ng kanyang mga mata ang papalapit na police offcer. 

“Bakit pinakialaman ang patay? Paano tayo makakakuha ng mga ebidensya!” 

“Sir, baka kasi buhay pa kaya pinadala namin sa hospital. Saka ako po ang nakakita sa pangyayari, makita ko na ibinangga niya ang sarili sa pader. Humaharurot siya, Sir!

“Ibinangga? Ano, nag-suicide ang SK chairman?”

Nakita ni S/Insp. Rivas si Daniel sa kanyang harapan, uminit ang kanyang ulo. Hindi niya makakalimutang narinig ni Daniel ang pananabon sa kanya ng mayor.

“Bakit nandidito ka? Baka may kinalaman ka sa aksidente!”

Napaatras si Daniel. 

Agad pumagitna si Mando, “Naku, Ser! Kararating lang namin, tao ni Meyor iyan po, Ser…”

“Hindi siya dapat nakikialam dito, sinisira niyang mga ebidensya! Pagsabihan mo itong kasama mo, Mando!”

Sinenyasan ni Mando ang pamangkin na umalis doon. Kunot noong lumayo si Daniel, ramdam niyang pinag-iinitan siya ng pulis. Pagdating ng alkalde, ikinalungkot niya ang nangyari sa anak ng kanilang konsehal.

Habang patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad ang motorsiklo, isang kahina-hinalang kotse sa di kalayuan ang makikitang nakaparada.

May kausap sa cellphone ang nasa loob nito, “Bosing! Delikado! Nadisgrasya ni Rupert ang sarili niya, dito pa sa mismong sa City Hall.  Dedo ang anak ng konsi, Bosing! Kanina ko lang naiabot sa kanya ang sobre!”

“Ano? Di maaari ito! Kung dala-dala niya ang sobre, delikado! Malilintikan tayo kay Big Boss! Gumawa ka ng paraan! Hanapin mong ebidensya! Ngayundin!”

“Hindi pa makakalapit, Bosing… marami pang mga pulis!”

“Ano? Lintek!”  Galit na galit ang nasa kabilang linya. Nang may maisip, “May isa pang paraan…” 

Palaisipan sa mga imbestigador ang pangyayari. Paalis na sila para puntahan sa hospital ang biktima nang mapansin ni S/Insp. Rivas ang kakatwang kilos ng isa pang pulis. May pilit itong hinahanap sa lugar.

“P02 Gamboa! Bakit? Di ba’t mamaya pang duty mo?”

Nagulat pa ang sinita, “Sir? M-May inasikaso kasi ako sa city hall, Sir. Nalaman kong nangyari kay SK chairman, mabait ang batang iyon, e!”  

Pagkasabi nito’y nagmamadaling umalis si P02 Gamboa. Naiwan si S/Insp. Rivas na nagtataka.

Sa pagamutan… 

“Hindi po sa alak, may history ba ng chronic pain ang anak mo? Na-overdose siya sa opiod!”

Nabigla ang konsehal sa narinig. “O-Opiod?”

Samantala,  sa mga sandaling iyon may nagaganap na kasiyahan sa isang getaway island…

“Party! Party! Hahaha! party! Party! Yeah!”

Suot ang maninipis na swim suits, sumasayaw nang parang walang katapusan ang mga babae sa gitna ng isla. Ang iba nama’y nakapalibot sa bonfire, may magkakaparehang naglilingkisan, naghahalikan.

Dumating sa kalagitnaan nila ang tatlong lalaki dala ang mamahaling mga bote ng alak. Lahat sila ay nagsipag-inom sa espesyal na inihaing iyon na kasama sa binayaran nila sa package. Sarap na sarap sila sa inumin.

Nang bigla…

Nakaramdam sila ng panghihina! May lumaguklok, ang mga kuko at balat nila’y nagkulay asul. Bumagsak ang iba, at hindi na  nakabangon. Bumagal ang kanilang paghinga hanggang sa may tuluyan nang namatay!

Kriiiiiiiiing! Kriiiiiiiiiiiiiiing!” 

Agad iniangat ni Mayor Kiko ang telepono, alas 9 na ng umaga.

“Hello? Oh, Konsehal Sanchez? Kumusta? Anong update sa pagkamatay ng anak mo?”

“Mayor!  Napapanood mo bang news? May grupo ng kabataan ang isinugod sa  hospital! Pare-pareho ang kanilang kondisyon…  tulad sa anak ko!”

“Ano’ng ibig mong sabihin, Konsi?”

“Ang mga sintomas, halos kapareho kay Rupert! Ayon sa mga doctor na sumuri, posibleng pagkalason o overdose sa droga ang nangyari sa mga kabataan sa isla, Mayor…”

“Pareho ng mga sintomas na sanhi ng pagkamatay ni Rupert? Kung gannon, posibleng may kaugnayan ito sa drogang ginamit ng anak mo, Konsehal!”

Samantala sa mga oras na iyon sa isang marangyang tahanan…

“Ano’ng katangahan ito? Na-overdose ang guests sa resort at nalusutan pa kayo ng isang mangmang na bangkero!”

Umuusok ang ilong sa galit ng isang mestisuhing lalaki. Kausap nito sa cellphone ang isa sa kanyang mga tauhan.

“S-Sorry, Mr. M. Di ko akalaing ganun ang mangyayari sa kanila.  Pero nilinis ko na ang kalat, Big Boss.  Iyong isa naghatid papunta sa isla, pinatatrabaho ko na!”

“Mabuti! Tonto! Dahil pag naunahan kayo ng mga  pulis, di lang ikaw ang mapapahamak pati ang buong negosyo ko! Ginagalit n’yo talaga akooo!”

Laganap na sa trimedia ang tungkol sa pagkamatay ng mga nag-party sa isla. 

“Ayon sa pulisya, hindi pa nila matukoy kung saang resort dinala ang mga biktima. Pero sinusuyod na ito ng mga awtoridad. Samantala, ang  dalawang bangkerong naghatid sa kanila sa isla ay tila naglahong parang mga bula!’

“Imposible!” 

Kasabay nito ang malakas na paglagabog ng kamay sa mesa. Si Mayor Kiko, hindi makapaniwala sa kanyang pinapanood sa telebisyon. Kasama niya si S/Insp. sa kanyang opisina, pinagmimitingan nila ang kanilang gagawin.

“Alam kong di natin jurisdiction ang San Jose, pero concern ako sa nangyari sa isla at dito sa atin. Malakas ang kutob kong iisa ang source ng opiods pati kay Rupert! Ikinatatakot kong mas lumaganap pa ito sa bansa!”

“On going na po ang pakikipag-collaborate namin sa maritime group, Mayor para makakuha ng mga impormasyon tungkol sa mga biktima, at sa may-ari ng resort sa isla.”

“Sige! S/Insp. Rivas.  Aasahan kong magkaroon na tayo ng lead sa sindikato ng opiods!”

Kinagabihan, isa isang pagamutang bayan sa Maynila, isang lalaking naghuhumiyaw sa matinding kirot ang nagmamadaling sinaklolohan ng nurse. Itinurok nito ang isang nakahandang sedative sa pasyente.

Subalit, taliwas sa kaginhawaan biglang nangisay, tumirik ang mga mata ng lalaki!

Ang pangyayari ay agad kumalat sa social media na nakarating agad kay Mayor Kiko.  

“Sun Bay Hospital?” Agad itong kumilos. “Daniel! Ipahanda mong sasakyan sa ibaba, lalakad tayo!”

Sa hospital, nadatnan nilang paghihinagpis ng isang ina.

“Buhay na buhay ang anak ko, ininjectionan n’yo lang, namatay na! Huhuhuhu! Hindi kayo nanggagamot, pumapatay kayo!” 

Nakaharap ng mayor ang doctor. “Ano ito, Dr. Pantino? Simpleng sugat lang pala ang iniinda ng pasyente, paano’ng…”

Halos mautal ang doctor sa pagpapaliwanag. Hindi niya masabi kung paano’ng nagkaproblema sa sedative. 

“P-Posible pong kumalat  ang tetanus sa pasyente, pumasok ang bacteria sa katawan kaya nag- tightening ang muscles…”

Inimbestigahan ng kinauukulan ang pagkamatay ng pasyente. Ilang araw pa, lumabas ang resulta na ang ‘sedative’ ay hinaluan ng opiod na ginagamit para sa open heart surgery at sa end-of-life care.

Samantala, sa mga oras na iyon… 

“Naidispatsa na ang droga sa dealers, Mr. M. At lalo pang lumalawak ang market natin dahil isa itong medical drug!”

“Mahusay! Mahusay! Hindi lahat nakakaalam na ang inaakala nilang simpleng medical drug lang ay nagiging powerful kapag inihahalo sa iba pang illegal drugs!”

Abut-abot ang ngiti ni Mr. M. Ang drogang tinutukoy ay sobrang mura para mai-produce. At ang katumbas niyon ay ang higit pang pagkamal niya ng limpak-limpak na salapi!

“Kapos ang shipment na iyan, kailangan pang mapalawak ang distribution ng synthetic drugs dito sa bansa. Mag-iisip pa tayo ng ibang paraan…”

Nailibing na ang anak, kausap ni Konsehal Sanchez ang alkalde sa ibaba ng city hall.  

“Hindi ko alam na may anxiety at panic disorder na ang anak ko, Mayor. At ang treatment medicines niya ay hinaluan ng opioid, na posibleng ,  Xanax o Valium.”

“Ang opiods ay isa raw powerful drugs na nakakatulong para mapaginhawa ang kirot. Pero kailangang nasa ilalim ito ng supervision ng doctor para maiwasan ang overuse at addiction.”

“Kilala mong anak ko, Mayor. Mabait si Rupert at may direksyon siya sa buhay. Posibleng may nagturo o nagbigay sa kanya ng droga!”

Naririnig ng magtiyo ang lahat. Kaya’t nang makauwi…

“Parang wala ka sa sarili mo, pamangkin. Akinang mga damit mo’t ako isasabay ko na sa paglalaba.”

Kinapa ni Mando ang bulsa ng pantalon at namilog ang mga mata nito. “Tamo nga naman at sinuswerte! Pera ito, ano, Daniel?”

Napaisip ang binata, bigla siyang may naalala… “Akina iyan, Tiyo!” 

Subalit inilayo ang sobre sa kanya ni Mando. Binuksan ang inaakala niyang pera, pero ang laman ay isang kapirasong papel!

Ang nakasulat sa papel, “The quick brown fox jumps over the lazy dog…the quick brown fox jumps over the lazy dog…” 

“Paulit-ulit lang ito! Saan ba galing ito?”

 “Hindi ko alam, Tiyo. Nakita ko lang sa ilalim ng kotse sa tabi ng city hall nang mamatay si SK chairman…” 

Itinaob ni Mando ang sobre at may nahulog ditong isang maliit na plastic na may puting powder.

“A-Ano ito?” Inamoy ni Mando ang powder. “Mabango!” 

Bigla, kinabog ang dibdib ni Daniel. Iba ang tingin niya sa mukha ng tiyuhin ng mga sandaling iyon! Maputla at parang walang buhay!

Samantala sa mga oras na iyon…

“Kailangang matagpuan ang code sa dark web, mabubulilyaso tayo!”

“Pero malinis na ang lugar kung saan naaksidente ang Rupert na iyon, Mr. M. Baka may nakapulot na?”

“Tonto! Bakit pinabayaan mo! Nuknukan ka ng bobo! Ipahanap mo kung sino’ng nakapulot ng ebidensya!”

“24 oras lang ang palugit, P03 Gamboa!”

Kausap ng pulis ang misteryosong tawag na iyon sa kanyang cellphone. Masidhing takot ang nadama ng awtoridad, “Hinanap ko talaga, pero wala.  Di rin ako makalapit sa bangkay!”

“Problema mo na iyon, P02 Gamboa. Kung ayaw mong lumutang nang maaga sa ilog!”

Malalim ang gabi, gumalaw ang talukap ng mga mata ni Daniel. Sa likod ngkanyang balintataw, naroroon ulit siya sa masukal, mapanganib na kagubatan.Tumatakbong walang humpay!  

Halos di sumasayad ang kanyang mga paa sa lupa. Kailangang hindi siya maabutan ng nakakikilabot na mga nilalang! 

“Kah! Kah! Kah! Haah! Haah! Haah! Layuan n’yo ako mga halimaw! Layuan n’yo ako!” 

Buong bilis siyang tumatakbo, halos di sayaran ng kanyang mga paa ang lupa. 

Naghahalo ang matinding sindak at takot sa bantang panganib. Mula sa ilang nakakikilabot na mga nilalang!

“Aaaaaaahhhhh!” 

Bumalikwas ng bangon si Daniel. Abot-abot ang hingal, pawisang-pawisan. 

“Ginugulo na naman ako ng aking panaginip! A-Ano’ng ibig sabihin niyon!”

“Tik! Tak! Tik! Tak!” Malakas na tunog ng orasan. 

Napakislot ang binata. Alas 2 pa lang ng umaga, ibig sabihin tatlong oras pa lang siyang nakakatulog. 

Mainit ang gabi, maalinsangan. Maingay ang makina ng kanilang lumang bentilador kaya marahil di siya narinig ng tiyuhing muling umuungol,  gaya nang madalas na paggising nito sa kanya.

Tiningnan niya ang tiyuhing nakahiga sa kabilang higaan, may kakaiba siyang napansin. 

“Tiyo! Tiyo!” Tawag ni Daniel. 

Nilapitan niya ito at ginigising. Walang pagtugon, at halos wala na itong hininga!

“CALLING Dr. Santos! Dr. Santos please proceed  to the emergency room!” 

Nagmamadali ang mga nurse sa pag-aasikaso kay Mando. Inalam ang iregularidad sa paghinga nito, tibok ng puso, dugo, at temperatura ng katawan. 

Humahangos na dumating ang doctor. “Ano’ng nangyari rito? Kaanu-ano mong pasyente?” 

“Tiyuhin ko, Doc! Nagising na lang akong nagkaganyan siya…”

Agad sinuri ng doctor ang mga mata ni Mando. Lumiliit at lumalaki ang balintataw nito sa mata. Ang kulay ng balat ay halos abo na. 

“Drug overdose!”

“Ho?” Di makapaniwala si Daniel. Napaatras. May pumasok agad sa utak niya. 

“Kailangang ipaalam ko ito kay meyor!”

Alas siyete ng umaga, katatapos lang ng flag ceremony. sa harap ng city hall. Kausap ng alkalde hepe ng pulisya at si S/Insp. Rivas.

“Natunton na ang isla, Mayor. Dos Palmas Resort, pag-aari ng isang mayamang businessman. Inimbitahan siya sa pulisya pero itinanggi niya ang tungkol sa droga.”

“Imposibleng wala siyang kinalaman, Col. Mananagot pa rin siya sa batas at dapat siyang makulong!”

“Tinatrabaho na ang resort ng mga ahensya ng gobyerno natin, Mayor. Kung opioids or, synthetic opioids ang sanhi ng drug overdose deaths sa isla kung saan 30 nga ang namatay.” 

Nalungkot sa narinig ang alkalde. “Highest rates of death sa drug overdose sa bansa sa isang gabi lang, ano ito? Kailangang imbestigahang mabuti ang resort!” 

Natigil ang kanilang pag-uusap sa paglapit ng sekretarya. 

“Excuse me, Sir. Important call from Daniel.”

Lumayo si Mayor Kiko sa mga pulis, at nabigla ito sa narinig mula sa kabilang linya. “Ano’ng sabi mo, Daniel? Pakiulit!”

At nahindik ang mayor sa kanyang narinig!

Sa kanyang tabi, isang nakaunipormeng lalaki ang biglang tumalilis.

“Alam na ni Mayor ang tungkol sa droga. Kailangang unahan ko siya!”

Si P02 Gamboa, na sadyang nagmamasid sa kanilang mga gawi. Sumakay agad ito sa patrol car.

Ibinaba ni Daniel ang phone sa booth. Tiningnan ang oras sa kanyang relo, “Malapit lang dito ang city hall. Maya-maya lang andito na si Meyor!”

Ngunit bago pa siya nakalayo sa telephone booth, isang sasakyan ang tumigil sa kanyang harapan. Lumabas ang sakay nito, nagmamadali.

“Daniel! Ipinapasundo ka ni Mayor!”

“ A-Akala ko siyang pupunta sa akin?”

 “Huwag kang makulit! Sinabi nang ipinasusundo ka ni Mayor!”

Nakaamoy ng panganib ang binatang promdi nang akbayan siya nang mahigpit ng pulis. Akma itong manlalaban para makatakas ngunit…

“Sasama ka sa akin o bubutasin kong tagiliran mo!” 

Binayo ang dibdib ni Daniel sa matinding takot. Naramdaman niya ang nguso ng baril sa kanyang tagiliran.

Pagkaalis ng patrol car, isang pribadong kotse ang dumating. Ang sakay nito, sina Mayor Kiko at S/Insp. Rivas.  Pero hindi nila natagpuan si Daniel sa kanilang tipanan!

“Baka nagpapasikat lang ang probinsyanong iyon, Mayor! Wala naman talagang ebidensya!” 

“Ngayon bang nasa peligro ang buhay ng tiyuhin niya gagawa siya ng kuwento? Dumiretso tayo sa hospital!”

Sa pagamutan, wala rin si Daniel. Nakaramdam ng kaba ang alkalde. 

Isa sa bodyguards ng alkalde na sumunod sa pagamutan ang pasimpleng lumayo sa lugar. Agad itong may kinontak, “Sir? Dito kami sa ospital, hinahanap ni Mayor ang promdi!”

Ang tumanggap ng tawag, si P02 Gamboa na patuloy sa kanyang pagmamaneho. Habang panaka-nakang itinututok ang baril sa katabi.

“Hindi na niya makikita ito! Tandaan mong wala kang ikakanta riyan, kundi kasama kang ililibing ko ng buhay!”

Nataranta ang bodyguard, walang iba kundi si Max. “H-Hindi, Sir! Alam ko naman iyan!”

Lumipas pa ang mga araw, nagbalik na ang lakas ni Mando, hindi pa rin nagpapakita si Daniel.

“Nasaan kayang pamangkin ko, Meyor! Huhuhu! Nabuhay nga ako siya naman ang nawala!”

“Ginagawa na namin ang lahat nang paraan para matagpuan siya, Mando. Posibleng may   kinalaman ang pagkawala niya sa drogang natagpuan sa lugar kung saan namatay si Rupert!’

Naalala niyang resulta ng pagsusuri sa laman ng maliit na sobre…

“Sir, positive ang powder. Fentanyl, isang synthetic opioid may halong heroin, ang nakuha ni Daniel at nasinghot ni Mando.”

Agad nagsagawa ng pagpupulong ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tungkol sa kinakaharap na panganib, kabilang doon sina Mayor Kiko, S/Insp. Rivas at ang hepe nito, at si Mando.

“Ang Fentanyl ay isang powerful synthetic opioid na kahalintulad sa morphine, pero 50 hanggang 100 ulit ang lakas nito.”

“Fentanyl is the deadliest drug sa US, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention’s National Center for Health Statistics, identified sa fatal overdoses.”

“Noong 2017, sanhi ito ng 38.9% drug overdose deaths, at pataas ng pataas ang bilang ng mga nabibiktima nito sa kanilang bansa.”

“Kung magkaroon ng heroin at prescription pill shortages, posible ring bumaling ang drug dependent dito sa atin sa mas murang drogang iyon! Karaniwan sa dealers di alam kung ang kanilang ibinibenta ay ang killer drug na.”

“Unti-unti na nga itong nakikilala sa drug markets, Mr. President.”

“Kung gayon, inuutos kong gawin n’yo nang lahat ng paraan para hindi tuluyang sakupin ang bansa natin ng fentanyl poisoning epidemic na iyon!”

Nangamba si Mando sa narinig, at labis niyang ipinagpasalamat niya sa Diyos na nabuhay siya. 

“P-Pero ang pamangkin ko, Meyor… si Daniel…”

“Bayani si Daniel sa bansa, kundi dahil sa kanya hindi matutuklasan ang dark web code ng sindikato! At ikaw din Mando, kinikilala ng pamahalaan ang iyong katapangan sa pagbubunyag nito.” 

Samantala, sa isang abandonadong gusali…

Isang katawan ang natutulog sa malamig na sementong ito. Marumi at nakagapos ang mga kamay at paa, may busal ang bibig nito. Pakainin hindi siya ng kanyang bumihag sa kanya.

Naglabas ng sigarilyo ang nanginginig na mga kamay na ito, idinadaan sa paghitit buga ang kaguluhan ng pag-iisip. Nakarating sa kanya na niratrat ng mga armadong lalaki ang bahay nila sa probinsya.

At namatay ang kanyang nag-iisang anak at ina!

“Nagkamali ako kung bakit pumayag akong magpaalipin sa inyo, Mr. M! Buhay pa sanang anak at ina ko! Tuso kayo! Mga hayup!”

Nabunyag sa kanyang alyas Mr. M ang utak ng sindikatong kinaaniban niya, matapos mabunyag ang secret code ng dark website.

Alam niyang siya’y papatayin kahit madala si Daniel sa sindikato. Kaya itinago niya ito sa ilang na lugar at binihag. Pero buhay ng kanyang mga mahal ang siningil sa kanyang kataksilan sa grupo!

“Pinagsisihan kong pumasok ako sa kanila para maipagamot ang anak kong may sakit. Pero mga hayup sila! Wala silang awa, pati ang matanda kong ina, pinatay nila! Magbabayad sila!”

Samantala, muli ang malamig na pagpapawis ni Daniel habang siya’y natutulog. Sa likod ng kanyang balintataw, isang nakaunipormeng pulis ang nakikita niyang niratrat ng mga bala!

“Uuungh… uuungh…”

Narinig ni P02 Gamboa ang pag-ungol ni Daniel kaya’t binuhusan niya ito ng tubig!

“Gising! Gising! Ano’ng nangyayari sa iyo?”

Dumilat ang mga mata ni Daniel, at matinding takot ang narehistro sa kanyang mukha. 

“Papatayin ka nila! Papatayin ka nila!”

“Sinong sila? Hindi!  Uunahan ko sila! Patay kung patay!”

Samantala, sa pulisya…

“Mayor! Na-trace na ang leader ng sindikato rito, isang may alyas Mr. M na may kaugnayan sa mga pasugalan at prostitusyon sa lungsod. Kumanta ang isang bumaligtad niyang tauhan.”

“Alyas Mr. M?” 

Inapuhap ni Mayor Kiko sa isipan ang Casino Royale na ipinatayo ng dating kaalyado sa pulitika na hindi na tumakbo dahil sa pagkakalkal sa tagong yaman nito na bilyun-bilyon ang halaga.

“Si Congressman Mangalintang! Siya lang ang may kakayahang maging financer ng mga bisyo rito!”

At sumagi rin sa kanyang alaala ang nadiskubreng may alyas Mr. M na utak ng sindikato ng pagpapakalat ng killer drug sa bansa!

“Hindi ko akalaing abot-kamay ko na palang nasa likod ng… Diyos ko!”

Labis ang panlulumo ng mayor. Maraming nawasak na pamilya, nasirang buhay ng mga kabataan, at nawalang mga buhay dahil sa droga. Nagsisisi rin siya sa pagpayag niyang hawakan sa leeg ng buktot na congressman.

 “Sobra-sobrang paniningil mo sa mga itinulong mo sa akin, Cong. Mangalintang. At buong bansa ang winasak mo!”

Sa mga sandaling iyon…

Ibinaba ni P02 Gamboa ang kanyang cellphone. Alam niyang bago siya mamatay may nagawa siyang mabuti sa kanyang buhay. 

“Magwawakas din ang paghahari ng kadiliman…”

Hindi maintindihan ni Daniel ang sinasabi ng pulis. Nang makarinig sila ng ingay.

Ilang sasakyan ang humaharurot na tumigil sa kanilang pinagtataguan. Napakislot si P02 Gamboa. Mahigpit na hinawakan ang kanyang baril. Agad niyang pinawalan sa pagkakagapos si Daniel.

“Tumakas ka na! Andiyan nang mga halimaw!”

“Hah?”

At nakipagtagisan ng putok ang pulis. Kumakalansing ang bawat tamaan ng tingga sa gusali. Lumilipad ang mga bala sa pader. Takip ni Daniel ang kanyang mga tainga. 

Nakadapa siya sa semento para di mahagip ng bala. Pilit lumalaban sa kamatayan si P02 Gamboa, pero limitado ang laman ng kanyang mga armas. Kaya’t…

“Argh!”

“Sir!”

Bumagsak sa harapan ni Daniel ang pulis. Dilat na dilat na may pagmamakaawa ito na tila humihingi ng tawad. 

Kailangang makatakas ni Daniel. Wala siyang armas para lumaban.

Subalit nakapasok na ang grupo. Si Cong. Mangalintang kasama si Max at mga tauhan pa nito. Gulat na gulat si Daniel, kasabawat ng kasamahang bodyguard ang sindikato ng droga!

“Wala ka nang kawala, Daniel Biglang-awa. Sumama ka na sa pulpol na pulis na ito!”

Ngunit bago pa pumutok ang baril ni Max, nakaramdam sila ng…

“Lumilindol!”

“Umalis na tayo rito!”

Hindi malaman ng grupo ng congressman kung saan susulong. Ang pagyanig ay papalakas nang papalakas hanggang sa….

“Eyaaaaaaaaah!”

Ilang oras pa, pumailanlang sa ere ang isang live report sa telebisyon.

“Sampu katao ang pinaniniwalaang na-trapped sa bumagsak na abandonadong gusali sa bayan ng Lakandula. Live ninyong masasaksihan ang pagliligtas sa mga biktima…”

Inilalabas isa-isa ang mga kalalakihang nabagsakan sa gumuhong mga pader. Isa sa natagpuan ang isang may katabaang lalaki, na ang katawan ay balot sa mamahaling alahas. Nakilala siya ng reporter.

“Mga kabayan, parang si… si Cong. Mangalintang ang isang ito!”

“S-Si Cong., nga! At si P02 Gamboa!” Sigaw ni Mayor Kiko.

Naroroon sila sa silid ng alkalde magkakasamang inaabangan ang live na update sa lindol. Sumunod na nakunan ng camera mula sa hinukay na mga bato ay si…

“Daniel? Daniel! Pamangkin ko! Buhuhu!”

Sa isang madilim, mahabang tunnel nakita ni Daniel ang sarili. Tila walang katapusan ang kanyang pagbulusok sa lagusang nasa ilalim ng lupa. Matinding takot ang kanyang nararamdaman.  

Walang ni gapusikit na liwanag. Kahindik-hindi na lugar. Nagsimula siyang umiyak. Iyon bang tinatawag na…

“Kamatayan!”

Mabilis ang pagbabalik ng mga nakaraan. Isang anghel ang nagpakita sa kanya nang magkaroon ng lindol sa kanilang probinsya bata pa siya. Sinabi ng isang lingkod ng Diyos na siya’y espesyal. 

Siya ba’y isa sa mga pinili ng Diyos para sa mensahe nito  sa sangkatauhan? Ano ang kahulugan ng mga pananaginip niya ng nakatatakot, gaya ng kakatwang mga halimaw!

Ngayon siya’y hinihigop ng tila isang dambuhalang puting imbudo!

 “Diyos ko! Iligtas mo po ako!” Sigaw ni Daniel. Hindi na siya madalas manalangin gaya noong kanyang kabataan, pero sinisikap niyang magpakabuti.

Nagkagulo sa loob ng operating room. “Bumagsak na ang dugo ng pasyente!” 

Sa labas, nakikita ni Mando ang nangyayari. 

“Pina-pump nila si Daniel! Wala nang pamangkin ko?” Humagulgol ng iyak si Mando. Nauupos itong umupo sa semento.

“Mando!” Isang humahangos na tinig, si Mayor Kiko. Sinilip ng mayor ang salamin at halos sakluban siya ng langit at lupa.

“Time of death, 12:15…”

Hilam sa luha ang mga mata ni Mando, “Wala na si Daniel, Meyor…wala nang pamangkin ko…”

Tulong! Tulungan mo ako, Diyos ko!”

At nakita ni Daniel ang sarili sa nakapangingilabot  na lugar na iyon. Kung saan paroo’t parito ang mga nilalang na may mahahabang sungay at buntot.

Walang maihahambing ang nakakakilabot na anyo ng mga nilikhang iyon. Mga pinakanakakatakot na nilalang na sa panaginip lang niya nakikita.

Ang kagimbal-gimbal na mga nilalang, may hawak na matutulis na bagay. Ang kanilang direksyon sa isang naglalagablab na dagat-dagatang apoy!

Narinig niyang nakasisindak na mga halakhak na tila nagmumula sa ilalim ng lupa.  Tinutusok-tusok ng mga ito ang mga taong nais umalpas sa apoy.

Mga pagtutungayaw, mga daing, hinagpis,  iyak at pagmamakaawa. Halos bumagsak siya sa sindak nang makita mga buhay na uod, kumikiwal sa mga mata nito!

“Naagnas ang kanilang mga laman, nararamdaman nila ito!  Nasa impyerno na nga ako! O, Diyos kooo!”

Ang mga tao’y di ispiritu, buhay nilang nararamdaman ito. Sinusunog sila pero di sila namamatay. Ang impyerno ay may maika-300 higit na init ramdam hanggang sa kaibuturan ng buto!

Takot na takot si Daniel. Pinangangambahan niyang susunod na siyang itatapon ng nakasisindak na mga  nilalang sa naglalagablab na apoy.

Bigla ang kanyang pagsigaw, “Jesus ko, tulungan mo ako!”

Isang nagniningning na imahe ang lumitaw sa kanyang tabi.

“Ito ang hangganan ng mga taong sumusuway sa Diyos, Daniel…” 

Lubhang nasilaw si Daniel. Ang imahe ay nagniningning gaya sa isang tala. Nagtakip siya  ng kanyang mga mata kaya di niya makita kung sino ang nagsasalitang punong-puno ng kapangyarihan. 

Ang pangit na mga nilikha ay nanginginig na nagpatirapa. Tuliro sila, takot na takot. Marami ang nagtago ngunit walang masulingan. Di nila kaya ang dumating. Ang nakasisilaw na liwanag nito ay tila kidlat na umuupos sa kanila.

Kaya’t sila ay lumuhod at sumamba. 

Umiiyak si Daniel, ang buong puso’y ligwak ng pagpapakumbaba, at nagmakaawa.

“Panginoon!  Alisin mo ako rito! Itatama kong mga mali ko. Sasabihin ko sa mga tao ang malagim nilang patutunguhan kung sila’y di tatalikod sa kanilang mga kasalanan…”

Dumadagundong ang tinig, pero matamis ito sa kanyang pandinig…

“Mapalad ka at bibigyan ka ng Ama ng panahong magbalik sa lupa. Bagaman, maraming isinugo para sabihin ang pagliligtas ngunit hindi sila naniwala…”

“Pinagpala ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap!”

Patuloy ang daluyong ng mga problema, pagpatay, kasakiman, pagkuha sa pagmamay-ari ng kapwa, pagtataksil, panlilinlang,  kahalayan, idolatrya. Kaguluhan sa iba’t ibang mga bansa!

“Dahil sa global nuclear war! Apektado rin ang ‘Pinas, paano na tayo? Ang mga batang kasisilang palang at isisilang pa lang, paano? Huhuhu!”

“Diyos ko po! Pumalo na sa 141,957,679 bilang ang mga kaso ng corona virus sa buong mundo at nasa 3,031,827 nang namatay! Di natin malaman kung saan tayo susulong kaliwa’t kanan ang nahahawahan!”

“Ito na bang panahon ng paghuhukom? Ito na yata ang katapusan ng mundo!”

“Sandali! Naalala n’yo ba ‘yung lalaking namatay saka muling nabuhay? Iyong nagbigay ng babala sa national TV? Bata pa ako noon…”

“Ah, si Daniel Biglang-awa! Oo nga, hayskul na ako noon. Idineklara na siyang patay pero nabuhay nang eembalsamuhin na! Nagkakatotoo nga ang sinasabi niya, ang mga nakikita niya sa panaginip niya!”

“Daniel Biglang-awa! Saan ka man ngayon,magpakita ka sa amin! Bigyan mo kami ng milagro! Paulanin mo ang langit, diligan mong mga pananim!”

“Daniel…sugo ng langit, idalangin mo kaming gumaling…”

“Libu-libong mamamayan ang kasalukuyang nagra-rally ngayon dahil sa kakapusan ng pagkain at kawalan ng tubig na maiinom…”

“Dumadaing ang sambayanan dahil sa gutom matapos ideklara ang enhanced community quarantine…”

“Maraming kalunos-lunos na kuwento ng mga pasyenteng namamatay sa labas ng mga hospital, dahil sa kabi-kabilaang  ‘full capacity’ idineklara ng mga pagamutan para sila makapasok sa emergency room…”

 “Uuungh…unghh…huwag…huwaaag!”

“Manong Daniel! Manong Daniel!”

Ilang yugyog pa, gumising ang halos di maidilat na mga mata ng isang matandang lalaki. Hinagilap ng nanlalabong paningin nito ang babaeng pumigil sa kanyang  pananaginip. 

“Manong, umuungol ka. Binabangungot ka na naman!”  Si Nana Maria. 

Dahan-dahang inaayos nito ang kumot ng butuhan, kulubot na nakatatandang kapatid.Titig na titig sa kanya si Daniel.  Ang mga mata’y puno ng takot, pagkabagabag at pagkabahala. 

Nagsalita ang pagak niyang tinig, “N-Nagaganap na…”

“Ang alin, Manong Daniel?”

“Mahigit singkuwenta taong lumipas, kung saan sinikap kong ipaalam sa kanila ang mensahe ng Panginoon…na ang poot ng Diyos ay nahahayag … laban sa lahat ng tumatalikod sa Diyos at gumagawa ng mga kasalanan! ”

Lumuha ang matanda. Yumugyog ang mga balikat sa biglang pagbigat ng dibdib. “Hindi sila nakinig…”

“Lumipas maging aking kalakasan… ang nagaganap ngayon sa mundo, katuparan na ng hula sa Banal na Kasulatan! Ngayon, ang mga kalamidad ay nangyayari nang higit pa sa buong mundo. 

“Ang mga lindol, epidemya, taggutom, giyera at pagbaha ay sunud-sunod na nangyayari. Sa pagtatapos ng 2019, isang bagong uri ng coronavirus ang lumitaw sa Wuhan, China.

“Maraming mga lalawigan, munisipalidad at nayon ang sunud-sunod na na-quarantine habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga namatay. Sa ngayon, ang virus ay mabilis ding kumalat sa buong mundo…”

“P-Paano mo nasabi iyan?”

Lubhang nagtataka si Nana Maria. Walang anumang uri ng media para makabalita si Daniel tungkol sa mga kaguluhang nangyayari sa paligid. Si Daniel ay payak na nanirahan sa bundok simula manghina.

Nagsimulang maligalig si Daniel.

“Sa panaginip! Sila ang bumabang mga halimaw, na mapangwasak sa sangkatauhan! 

“Di nila mapipigilan ng artipisyal na katalinuhan ang ngitngit ng Diyos! Sila’y naghahalakhakan at nagpapakalasing sa kabila ng mga babala…

“Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon, kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.

“Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. (Mateo 24:29-30) 

“Ngunit may higit pa! Ngayon na tinanggap tayo ng Diyos dahil isinakripisyo ni Kristo ang dugo ng kanyang buhay, mapanatili rin tayong ligtas mula sa galit ng Diyos. (Romans 5:9)

Pagkasabi nito’y malakas na dumahak si Daniel, tila nabulunan. Mabilis na kumuha ng tubig si Nana Maria sa paminggalan. Ngunit pagbalik niya’y…

“Manong Daniel! Huhuhu!”  

Nagwakas ang 100 taon lakbayin ni Daniel. Ang kanyang pananaginip, ginamit ng Diyos para sa kaligtasan ng kaluluwa.

Marami ang hirap maniwala na tayo’y namumuhay na sa huling mga araw ng kasaysayan ng mundo.  Kung saan mas pinili ng taong magpakasama.

“Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (2 Peter 3:9)

                                                      -Wakas –

 

 

Series Navigation<< ANGEL
Recommend0 recommendationsPublished in Apocalyptic, Wolves Of Writing

Spread the love