Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw  (Prologo)

Spread the love

                              Prologue

Walang patid ang pag-ulan. Waring aabutin pa ng umaga bago tumila. Pero ilang minuto na lang ay mag-a-ala una na’ng madaling araw. Sa kabilang banda, hindi na makatakbo ang babaeng nagngangalang Mary Anne na ang tanging basang kumot lang ang tapis sa hubad niyang katawan. Ginaw na ginaw na siya. Ang kaniyang mga paa’y mas sumasakit na dahil sa hindi na siya nakapagsuot ng sandals no’ng lisanin niya ang silid na iyon, at wala siyang balak gamitin uli ang bagay na iyon. Hinawi ni Mary Anne ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa kaniyang mukha at tumingin sa kalsadang kaniyang kinaroroonan. 

Napa-ismid siya nang makitang walang senyales ng may maaaring mapagawing sasakyan o taxi man lang sa lugar na ito. Madalang na rin siyang makakita ng establisyemento sa paligid. Ang huling nadaanan niya kanina ay ang Pharmacy na bukas 24/7, at hindi na iyon nasundan pa. Gayunman, naging pabor sa kaniya iyon dahil walang makakikita sa kaniya sa ganoong kalagayan. Dahil kung magkataon mang kabila’t kanan ang mga naglalakihang mga gusali, nabidyuhan na siya ng mga mahilig tumambay sa mga store, i-a-upload sa social media, at kinabukasan ay siya na ang pinag-uusapan ng mga netizen. 

Napapagod na siya, nanghihina, gusto niyang humingi ng tulong pero kanino? Saan? Sa oras na ito gusto niyang umiyak, pumalahaw, at sumigaw. Total wala rin namang makaririnig sa kaniya. Pero hindi! Kasalanan rin naman niya kung bakit nasadlak siya sa ganoong sitwasyon. Alam niyang sa mga halang ang bituka lamang nababagay ang trabahong pinasukan niya. Kaya ngayon nasaan siya? Nasa ilalim ng ulan, sa kalagitnaan ng gabi, sa kalsadang walang dumadaang sasakyan. Ni hindi nga niya alam kung may trabaho pa siyang babalikan kinabukasan o wala na dahil baka ipinasara na iyon ng Mayor ng lungsod.

Malayo-layo na rin ang kaniyang nilalakad. Pero kahit halos mag-iisang oras na siyang naglalakad— ang kaba sa kaniyang dibdib, ang senaryong patuloy na sumasagi sa kaniyang isip, alam niyang matu-trauma siya sa nangyari. Kung hindi dahil sa lalaking kasama niya sa silid na iyon marahil ngayon ay nasa custody na siya ng pulisya. Ngunit nasaan na nga ba ang taong iyon? Hawak pa ng lalaking nakalimutan niya ang pangalan ang kamay niya bago nila lisanin ang silid, hindi gaya niya, nakasuot pa ng suite ang lalaki. Nang magkagulo sa loob ng bar, kung saan-saan na nagsisitakbuhan ang mga kostumer at ang mga nagtatrabaho roon

Pero dahil punuan noong mga oras na iyon, nabitawan ng lalaki ang kamay niya. Hahanapin na niya sana ito pero wala na siyang oras, kailangan na niyang makahanap ng lalabasan. Maganda na lamang dahil hindi mahabang kumot ang dala niya, kaya hindi ito naapakan o nasasasabit. Pero nahahablot, oo. Kaya mahigpit ang hawak niya sa kumot para hindi mahablot o malaglag.

“Siguro naman ay makakauwi pa ako.” Palatak kung tumawa siya sa kaniyang tinuran. Hindi nga siya nakasisiguro kung ito nga ‘yong daan pauwi sa kanila.

Naiinis na pinilit niyang maglakad kahit nangangatog na siya dahil sa lamig. Muling sumagi sa kaniya ang nangyari kanina sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Unang beses niyang gagawin ang bagay na iyon dahil ang amo na nila ang nagrequest. Ito kasi ang araw kung saan marami ang naging parokyano nila. Siya na dapat ay waitres lang, ginawa ang bagay na kinaaayawan niya, ang maging isa sa mga nagbibigay aliw at ligaya  sa kanilang parokyano. 

Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na maging bayaran para sa isang gabing aliw na ibibigay nila sa kanilang kostumer. Oo nga’t waitres siya, pumapayag rin siyang i-table ng mga halang na lalaki, pero ang kapalit niyon ay malaking tip na ginagamit niya sa pang-araw-araw na gastusin bukod pa ang sweldo niya sa pagiging waitres. Pero ang maging bayaran para sa isang gabing kaligayahan— hindi niya gagawin iyon. Kontento na siya sa kakarampot na kita at tip na nakukuha niya sa nagti-table sa kaniya. Pero dahil amo na niya ang nagrequest, wala siyang mapagpipilian. Malaki ang utang na loob niya sa Ginang kaya siya pumayag. Pero kung kailan dinumog sila ng mga kustomer, saka rin naman sila ni-raid ng pulisya. 

Ang pinipigilang emosyon ay tuluyan na ngang kumawala. Nais niyang sisihin ang Diyos sa mga kaganapan sa kaniyang buhay pero hindi niya magawa. Alam niyang wala siyang karapatang gawin iyon dahil sa una pa lang, siya itong may mali. Dahil sa padalos-dalos na desisyon, huli na para magsisi siya. 

Ngayon, dahil mag-isa siya, sarili lang niya ang karamay. Pero kahit siya ay nagdududa sa kaniyang kakayahan. Habang naglalakad, patuloy din sa pagragasa ang luhang nakikisabay sa ulan. Ilang hakbang pa ang kaniyang ginawa, nakalampas na siya sa isang street light ng makaramdam siya ng panghihilo. Nanlalabo ang kaniyang paningin. Dumagdag rin ang patuloy na pangangatog ng kaniyang mga tuhod. Sa puntong ito, unti-unting bumigay ang kaniyang katawan. Napangiwi siya nang maramdaman ang sakit mula sa pagkakabagsak sa semento.

“T-Tulong… tulong. P-Pakiusap?!” nakikiusap na saad ni Mary Anne kahit namamaos na ang boses niya.

Ilang ulit pa siyang humingi ng tulong ngunit malabong may makarinig sa kaniya. Dahil sa kawalan ng pag-asa, kasabay sa paglandas ng huling luha ay siyang pagpikit niya, at ang kaniyang sistema ay unti-unting dinadala sa madilim na lagusan patungo sa kawalan. Ito na ba ang katapusan niya? Kung ito nga, hindi niya maatim na sa ganitong klaseng kamatayan lang ang kaniyang sasapitin.

Series Navigation<< Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw  (Sinopsis)Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw   (Kabanata Uno) >>
Recommend0 recommendationsPublished in 18+, Drama, Filipino, Romance

Spread the love

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Copyrighted Content

This website uses cookies to ensure you get the best experience on our website.