Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw   (Kabanata Uno)

Spread the love

                           Chapter One

One week earlier. . . .

“ANNALISA, PAKIDALA MO NGA MUNA ITONG POCO GRANDE NG BELLINI FROZEN DOON SA NASA TABLE 16,” saad ng kaniyang katrabahong babae na nasa counter. Kahit malakas na ang pagkakasabi ng babaeng maiksi ang buhok, para sa kaniya ay mahina pa rin iyon. 

“OO, SANDALI LAMANG!” Nilakasan rin niya ang boses para marinig ng kausap. 

Noong nagsisimula pa lamang siya rito bilang serbidora, halos pumutok na ang kaniyang eardrum dulot nang malalakas na tunog ng sound system. Pero ngayon, nasanay na rin siya lalo pa’t magdadalawang taon na rin siyang waitres sa bar. Para sa kaniya, napakabilis ng oras. Ni hindi na niya namamalayan ang mga kaganapan sa kaniyang paligid. Ang alam niya lang ay dinaig pa niya ang may sariling pamilya na binubuhay sa ginagawa niya. Tulog siya sa araw upang sa ganoon ay makakaya niyang manatiling gising sa trabaho sa pagsapit ng gabi hanggang kinabukasan.

Nais niyang magdoble kayod para mabuhay, para may maipangtustos sa sarili. Subalit kahit na anong gawin niya, walang may gustong tanggapin siya. Siguro dahil wala siyang maipakitang dokyumento sa tuwing hinihingi iyon ng kaniyang pinag-aaplayan. O ‘di kaya ay dahil sa makikita sa kaniyang bio-data na halos ang karamihan sa impormasyon doon ay walang nakalagay na impormasyon. Bukod pa riyan, nakalagay rin sa bio-data niya na hindi siya nakapagtapos. Ano pa bang maaasahan niya sa lungsod? Kapag wala kang pinag-aralan, talo ka.

“This is your order, Ser.” Inilagay niya ang dalang poco grande sa mesa ng marating niya ang table 16.

Nang tumunghay siya, isang nakangiting lalaki ang ngayon ay nakatingin sa kaniya. Nakaramdam siya ng pagkailang sa ginagawang pagtitig ng medyo maputing lalaki. Ang bagsak na kulay asul nitong buhok ay mas nagpadagdag sa kaniyang kagwapuhan. Idagdag pa ang may kakapalan nitong kilay at mamasa-masang labi. Ang mga mata nito ay nagbibigay ng kakaibang pakiramdam kay Mary Anne. Tila ba’y mahihipnotismo na siya nito kung mananatili siyang nakatingin sa mga mata ng binata. 

Pero dahil sa araw-araw ba naman siyang nagtatrabaho rito, namaster na niya ang isang katangian. Ang ‘huwag humanga sa lalaki gaano man nagsusumigaw ang kaniyang kagwapuhan, dahil sa huli ipapairal din nila ang kanilang pagkalalaki. Literal  na pag-ka-la-la-ki!’.

Sinadya ni Mary Anne na tumikhim upang maging dahilan para humingi ng paumanhin ang lalaking nakasuot ng simpleng gray na polo at nakabukas ang tatlong botones nito sa itaas. “Is there something w-wrong, Ser?” aniya sa lalaki na ngayon ay lumalagok na ng dinala niyang alak ngunit ang mga mata ay sa kaniya nakatingin. Bakas din sa boses niya na hindi siya magaling sa pagsasalita ng english.

Umiling ang gwapong binata sa kaniyang harapan. Ibinaba ang hawak na babasaging basong nangangalahati na ang lamang alak bago nagsalita. “Nope, there’s no something wrong. Natutuwa lang ako sa paraan ng pagsasalita mo ng english,” anas ng binata na parang naaamaze sa babae.

Sa sinabing iyon ng lalaki kaagad siyang napaisip. Anong mayroon kung magsalita siya ng english? O dahil halata sa kaniya na hindi siya nakapagtapos ni elementarya kung kaya ganoon na lamang ang inasta ng binata sa paraan ng pagsasalita niya ng english? Basta para sa kaniya, kapag nakapagsasalita ka ng wikang Ingles, mas pinagtitibay nito ang pagtitiwala mo sa iyong sarili na magsalita ng english— iyon nga lang, barok ang sa kaniya. But it doesn’t matter after all. Wala na siyang pakialaman kumbaga.

“B-Bakit ho? May problema ba sa grammar ko?” aniya bago yumuko. Hindi dahil sa nahihiya siya sa kaharap pero parang ganoon na nga. Nakaiintimidate kasi ang mga mata nito. Ngunit bahagya siyang tumunghay para tingnan ang lalaki. Bago lang sa kaniya ang itsura nito. Baka bagong parokyano nila?

“Just like what I’d said, nakatutuwa ang grammar mo. No offense, ha. Hindi sa pinupulaan ko ang maling grammar mo. Natutuwa lang talaga ako,” paglilinaw ng binata habang may hand gestures pa sa bawat sinasabi niya. “Mmm by the way, Wendell Gascon,” dagdag pa nito bago inilahad ng binata ang kaniyang kamay upang makipag-shake hand kay Mary Anne.

Nanatiling nakatitig lamang si Mary Anne sa maugat pero maputing kamay ni Wendell. Dumaan pa ang ilang segundo bago niya inilapit ang kamay. Buti na lang at hindi agad ibinaba ni Wendell ang kamay nito dahil inakala ng binata na ayaw ng babae na makipag-shake hands. 

Nag-aalinlangan si Mary Anne na banggitin ang kaniyang pagkakakilanlan sa taong hindi niya kilala. ‘Pero nagpakilala na siya sa ‘yo, tanda mo?’  sagot ng konsensiya niya. 

‘Pero paano ka naman nakasisiguro na iyon nga ang totoo niyang pangalan?’ anas niya sa sarili, nagpakurap-kurap bago balingan ang kaharap.

“A-Annalisa,” kinakabahang sagot niya. 

Kakaiba ang kabog ng dibdib ni Mary Anne habang nagpapakilala ito gamit ang palayaw niya kapag nasa loob siya ng Bar. Isa sa bilin ng kanilang boss, protocol na rin nila, ay iwasang ibigay ang kanilang pagkakakilanlan sa mga kostumer dahil kahit iyon man lang ay mapangalagaan nila. Dahil kapag nasa Bar ka na, aapak-apakan na lang ang dignidad at pagkatao mo.

Mabilis na inilayo ni Mary Anne ang kaniyang kamay sa pagkakahawak ng lalaki sapagkat may kakaiba kasi sa paghawak nito. Parang inaakit niya si Mary Anne sa paraang paghimas nito sa mga kamay ng dalaga. Nangilabot naman si Mary Anne sa naging kilos ng kausap pero hindi na lamang niya binigyang malisya ang bagay na iyon.

“S-Ser, kung hindi ninyo ho mamasamain maiwan ko na ho kayo,” saad niya, ang kaniyang mga mata ay pilit na itinuon sa mesa kaysa titigan ang mapang-akit na mata ng binata. 

“Ahm sure, no problem. And by the way, crop the word ‘Sir’, Wendell na lang.” Ngumiti ang lalaking nagpakilalang Wendell sa kaniya. 

“See you around,” sigaw pa ni Wendell sa papalayong si Mary Anne. Napalingon na lang si Mary Anne at nagbigay nang pilit na ngiti sa gwapong binata na nakasalamuha niya.

Hanggang makarating si Mary Anne sa counter, ang pigura lamang ng lalaki ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Hindi niya maipagkakaila na magandang lalaki iyon— super model— artistahin ang dating. Pero anong ginagawa ng taong ‘yon sa ganitong klaseng lugar? Sabihin ng wala siya sa showbiz pero mahahalata sa lalaking iyon na may desente itong trabaho.

Marahas na ipinilig ni Mary Anne ang kaniyang ulo kasabay sa pagngiwi niya ng magtama ang mga mata nila. Doon lang niya napagmasdan na bagay sa lalaking iyon ang ngumiti, sumisilip ang mga ngipin nito sa bahagyang nakabukang labi ni Wendell. Bago pa man maglawa ang kaniyang bibig dahil sa posibleng pagtulo ng kaniyang laway, mabilis niyang iniiwas ang tingin. Tila ang motto-in-life niya ay hindi niya nagawang ma-i-apply sa sarili. 

‘Ano bang nangyayari sa akin?’

“Ano ka ba, Mary Anne. Magtigil ka nga,” anang babae bago inabala ang sarili. Hindi na rin nagkaroon ng isa pang pagkakataon para makaharap niya ang lalaking iyon, at nagpapasalamat siya dahil doon.

Mabilis na lumipas ang oras, ni hindi na nga namalayan ni Mary Anne na malapit ng matapos ang kaniyang trabaho. O dahil masyado itong naging abala sa pagseserve at pag-aasikaso ng mga kostumer? Gaya ng mga nakaraang gabi, hindi ganoong karami ang pumunta sa Bar. Pero pabor sa kaniya iyon dahil hindi siya masyadong napagod sa pagpapauli-uli, lalo pa’t kakaunti lamang ang waitress ng Bar, mas marami pa ang dancer slash trollop dito.

“Pa’no ba iyan, mauuna na kami, Anna,” paalam ng isang lalaking may katabaan ang katawan, siya si Chito, ang isa sa mga waiter. 

Tumango na lamang si Mary Anne sa tatlong katrabaho na ngayon ay papalabas na ng Bar. She is sitting on a chair, infront of the counter. Her hair was messed; but before she forgot, Mary Anne comb her hair with her bare hand and then tied them as one. She always do yawning from time to time that shows how exhausted she is. Katatapos lang niyang maglinis ng mga mesa, tinanggal ang ilang bote’t basyo ng sigarilyo. Pagdating naman sa paglilinis ng sahig, may sarili silang Janitor na tanging sa araw lang nagma-mop. 

“Oh, Mary, bakit nandito ka pa? Hindi ka pa ba uuwi?” saad ng isang Ginang na kalalabas lang ng opisina nito. Napatayo naman si Mary Anne dahil sa gulat. Napahawak siya sa kaniyang dibdib na agad rin niyang tinanggal. 

“Pauwi na rin ho ako, Mad—” tumingin muna siya sa paligid at nang masigurong sila lang ang naroroon muli siyang nagsalita. “Uuwi na rin ho ako mamaya-maya, Ma. Nagpapahinga lang ho ako,” kaagad niyang sagot dito. Tumango’t saglit na ngumiti sa kaniya ang Ginang na nasa middle 50’s ang edad bago muling pumasok sa opisina nito.

Napangiti na lang din si Mary Anne habang ang atensiyon ay nasa dinaanan pa rin ng kaniyang ina-inahan. Naalala na naman niya ang ginawa ng Ginang sa kaniya dalawang taon na ang nakararaan. ’Yon yung panahon kung saan lugmok siya. Mga panahong walang-wala siya. Siguro kung hindi siya napadaan sa entrance ng bar at hindi nahimatay dahil sa matinding gutom. Marahil ngayon ay namumungkal na lang siya ng mga basura. 

Mary Anne closed her eyes, massaging her temples, and open her eyes again because of that memories of her two years ago. Isang hikab pa ang kaniyang ginawa bago kuhanin sa bulsa ng kaniyang skirt ang keypad niyang cellphone na nabili niya no’ng nakaraang linggo at tingnan ang oras doon. Nasa mababang halaga lang naman iyon kaya na-afford niyang bilhin. 

Umalis siya sa pagkakaupo ng makitang mag-a-alas singko na pala nang umaga. Pinatay niya muna ang ilaw sa counter bago lisanin ang Bar bitbit ang luma niyang shoulder bag na bigay pa ni Melanie, pinaka-close niya sa mga nagtatrabaho rito. Naglakad siya hanggang sa kanto bago nanatili roon para maghintay ng jeep. Habang wala pang dumaraang sasakyan, nagkaroon siya ng pagkakataon para pagmasdan ang paligid. Kahit babagong nagliliwanag, marami na agad ang mga taong abala sa pagbubukas ng kanilang mga tindahan. Ang ilan naman ay inaayos na sa pagkakasalansan ang mga ititinda nila. Dahil sa ganoong senaryo, naisip niya na talagang nasa lungsod nga siya. Kung saan, ang bawat oras ay mahalaga. Ang bawat segundo para sa mga simpleng mamamayang katulad niya ay napakahalaga.

Sampung minuto pa ang kaniyang itinayo roon bago mayroong tumigil na sasakyan sa kaniyang harapan. Mula sa bintana ng jeep, kita niya na hindi pa ganoong masikip sa loob. Bago pa siya maiwan ng sasakyan, sumakay na agad siya at pum’westo sa bandang unahan. Habang binabaybay ang kahabaan ng highway, nakamasid lamang si Mary Anne sa mga kabahayang kanilang nadaraanan. Paminsan-minsan ay napapapikit siya dulot ng malamig na hanging humahampas sa kaniyang mukha.

Ala-singko y medya nang makauwi si Mary Anne. Pumasok siya sa inuupahan niyang apartment. Kahit maliit lang ang kaniyang tinitirhan, nagagawa pa rin niyang hindi makabayad sa renta dahil kung gaano kaliit ang apartment niya ay siya namang laki ng rentang binabayaran niya. Hindi niya alam kung bakit ganoon lamang ang presyo, naisin man niyang lumipat ng ibang apartment ay hindi niya magawa. Ito na lang kasi ang pinakamura sa mga apartment na tiningnan niya. Kaya kahit may kamahalan, pinagtiyagaan na lamang niya iyon.

Bago siya matulog, nagluto muna siya ng kakainin. Nag-init na rin siya ng tubig dahil balak niyang magkape para mainitan man lang ang sikmura niya. Dahil parehong nakasalang sa kalan ang may kaliitang kaldero at takure, lumabas muna siya ng apartment para bumili ng lutong ulam sa ‘ShaSha’ Eatery’, isang karinderya na apat na bahay lang ang layo mula sa apartment niya. Hindi rin naman nagtagal at nakabalik din siya dala ang isang plastik ng ginataang hipon. 

Eksakto ala-sais nang makakain siya. Hinugasan muna niya ang kaniyang pinagkainan bago maisipang maligo. Hindi kasi siya sanay na hindi maligo bago matulog. Bagaman matagal na siyang nagtatrabaho sa Bar, hindi pa rin makapag-adjust ang kaniyang katawan. Nararamdaman pa rin niya ang haplos ng mga lalaking nais makasama siya sa iisang table. Kaya hindi niya magawang hindi maligo lalo pa’t ramdam pa rin niya sa kaniyang balat ang bawat haplos ng mga hayok na lalaking iyon. Nandidiri siya sa sarili niya kahit isang hamak na waitress lang ang kaniyang trabaho. Subalit kahit anong gawin niya, wala pa rin siyang magagawa. Iyon ang ikinabubuhay niya kaya wala siyang karapatang magreklamo.

Nang matapos ang lahat, pumasok na siya sa kaniyang kwarto. Inayos ang latag ng kaniyang higaan at binuksan ang maliit niyang electric fan. Nanatili siyang nakaupo sa higaan habang nakapulupot pa rin sa kaniyang buhok ang tuwalya. Inabot pa ng ilang minuto bago niya tuluyang tanggalin ang tuwalya at hindi na naglaan pa ng oras para magsuklay. Magugulo lang din naman kaya useless din kahit magsuklay siya.

Inihiga niya ang kaniyang pagod na katawan sa lumalangitngit ng kama. Pinagmasdan niya muna ang kesame bago unti-unting ipinipikit ang mga mata. Pagod na pagod talaga siya sa tuwing umuuwi siya sa umaga. Daig pa ang nalantang halamang nakalimutang madiligan nang isang beses. Tapos gigising sa hapon para naman maghanda sa pagpasok sa bar. Sa mga ganoong senaryo lamang umiikot ang buhay ni Mary Anne. ’Ika nga niya, “Kung gusto mong manatiling buhay— magsipag ka”.

It was past five in the afternoon when she was awakened by the consecutive sounds that she heard coming from her phone. Her eyes were still closed when she tried to grasp and look for her phone on her entire bed. She just stopped immediately when she realized that her phone was still inside of her shoulder bag that was hanging on a wall beside her small cabinet.  

Tumayo siya upang kuhanin ang cellphone, at nang nasa kamay niya na iyon ay kaagad niyang tiningnan muna ang caller bago sagutin.

“Hello,” aniya, mumukat-mukat pa siyang lumabas ng kwarto.

Rinig na rinig niya ang tugtog sa kabilang linya. Kaya panigurado na nasa Bar na agad si Melanie. Hindi niya alam kung bakit ang aga naman ’ata ng babaitang iyon. Siguro nagbabawi? Dahil nitong nakalipas na apat na araw ay lagi itong nali-late ng pasok. Hindi niya alam kung bakit, ayaw naman niyang tanungin ang kaibigan dahil magmumukhang interesado siya ginagawa ni Melanie.

“Oh, nasa’n ka na? Ano’ng oras na pero wala ka pa.” Nailayo niya sa tenga ang cellphone dahil sa tinis ng boses ng kausap.

Hindi niya alam kung nilakasan nito ang boses para marinig niya o sinasadya iyon ni Melanie para mabingi siya?

“Gaga, five pa lang ng hapon at six pa ang pasok ko,” mabilis na sagot niya bago mag-paalam sa kausap. Kailangan na  niyang mag-intindi nang hindi siya ma-late sa trabaho niya. Mahigpit pa naman ang kanilang Boss sa mga late. Laging may kaltas sa sasahurin nila. Iyon ang dahilan kaya iniiwasan niyang maging late. Sayang din para sa kaniya ang ikakaltas na pera.

It was 5:47 p.m. nang makarating siya sa Bar, hindi pa ito gaanong matao dahil kabubukas pa lang. Sa palagay niya, pagpatak ng alas nuebe mamayang gabi saka lamang magdaratingan ang mga parokyano nila. Mga malalaking magbayad. Walang labis, puro pasobra. 

Series Navigation<< Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw  (Prologo)Dilig: Minsan Halaman, Minsan Ikaw (Kabanata Dos) >>
Recommended1 recommendationPublished in 18+, Drama, Filipino, Romance

Spread the love

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Copyrighted Content

This website uses cookies to ensure you get the best experience on our website.